DAHONG-LAGAS
Ni Rudy A. Arizala
Dahon matapos na magbigay buhay ay nalagas sa tangkay. Tinangay ng
mapaglarong hangin. Ipinadpad kung saang manlanat at dahan-dahang
ibinaba sa lupa. Bumuhos ang malakas na ulan. Nagdanaw. Tinangay ng
tubig sa canal ang dahon. Humantong sa ilog at dinala ng silig-ilog
ang dahon sa malawak na karagatan. Dahon dinala ng alon muli sa
lupa sa isang dalampasigan. Nabulok ito dahil sa init at lamig ng
panahon. Naging pataba sa lupa ang dahon. Isang bunga ang bumagsak
sa lupa mula sa sanga ng kahoy Nabulok ang laman ngunit ang mga buto
ay tumubo dahil sa patabang-lupa galing sa bulok na dahon.
Dahon, hangin, ulan, canal, ilog, dagat, dalampasigan, ulan, init ng
araw, ang dahon naging pataba sa lupa. Nagbigay buhay sa isang
buto. Ang buto tumubo, umusbong, yumabong sa balat ng lupa.
Nagkaroon ng mga dahon, bunga ng bagong-buhay. Bagong dahon na mula
sa lumang dahon nagbigay ng buhay sa kahoy.
Isang hiwaga ng Dakilang Lumikha. Matalino ang tao. Ngunit hindi
makagawa ng isang hamak na dahon ni buto ng isang bunga ng kahoy na
nagtataglay ng buhay. Buhay ng isang hamak na dahon na tinangay ng
hangin, ulan, tubig sa karagatan. At dahil sa init ng araw at lamig
ng hangin ang nabulok na dahon ay bumuhay sa butong pinagmulan ng
kahoy na may dahon.
Nasa isang hamak na dahon ng kahoy ang kasaysayan ng buhay ng
kalikasan at ng taong nilalang ni Bathala.
Ngunit bakit pinuputol ng tao ang mga kahoy na may taglay na dahon ng
buhay? Kapag pinutol mo ang kahoy ay pinutol mo rin ang buhay ng
kalikasan at ng sangkatauhan!