Polillo
Ni Rosemarie Rutaquio Almacen
Editor's Note: Rosemarie is a former student of mine at Mt. Carmel High School in Polillo. She worte the following poem for the 20th anniversary of Polillians in America and would like to share it with our readers and guests.
Sa dakong Silangan nitong lalawigan
Mayro'ng isang pulong sa Pacific nakalutang
Pulo kong tanawing may lungkot na taglay
Dahil sa daluyong na nagsayaw-sayaw.
Dito sa pulong ito ako isinilang
Sa pulo ring ito ako nabubuhay
At dito rin ako handang mamamatay
Kung ito'y lupigin ng mga kaaway.
Ito ang bayan ko, bayang minamahal
Bayang sa atin ay nagbibigay buhay
Bayang ibinigay ng Puong Maykapal
Bayang tanging-tangi sa damdaming taglay.
Noon ang bayan ko'y di lubhang kilala
Maliit , malayo , tila lubhang aba
Mga tao noon na nagsisitira
Sa kabihasna'y huli, sa aral ay wala.
Ngunit sa paglipas ng maraming taon
Unti-unti , dahan-dahan , bayan ko'y nagbangon
Dahil sa mga taong may mabuting layon
Baya'y nakilala't, dangal ay natunton
Mga kababayang nagtiis, naghirap
Tumawid ng dagat at nangibang landas,
Di nakakalimot na magbukas- palad
Sa mga pagtulong para sa pag-unlad.
Sila'y halimbawa ng mga pangarap
Mga kabata'y sila ang liwanag
Sila'y inspirasyon at kanilang lakas
Kasama ng bayan sa kanyang pag-angat.
Bayan ng POLILLO, munting paraiso
Babalik-balikan ng kahit na sino
Masarap na hangin ang masasamyo mo,
Bundok , ilog , karagatan , kaulayaw nito.