Bakit Dapat tutulan ang Landfil ng mga Katutubong

Ni Bro martin ng Lake Galilee of KATRIBU, PEBRERO 20,
2008

Inalok ng lokal na pamahalaan ng Norzagaray ang mga
katutubo na makakapagtrabaho na sila sa nasabing
landfil kapag ito'y nabuksan na sapagkat talagang
hirap ang lahat sa usaping ekonomiya. Ngunit hanggang
ganito lamang ba ang kaya ng pamahalaan ng pag-aaruga
sa mga katutubo na tunay na nagmamay-ari ng
kabundukan.

Sa aking pananaw ay hindi makakatulong ang pagpasok ng
mga Dumagat bilang manggagawa sa nasabing landfil
sapagkat magdudulot ito ng lalong paglaho ng kanilang
kultura dahilan sa hindi ito ang kanilang pamumuhay.

Sa kasalukyan ang karamihang katutubo nakapaligid sa
itatayong landfil ay mga mestiso katutubong Dumgat,
Remontado na magsasaka o upland farmers at ang
pangakong pagiging manggagawa ay tiyak na panibagong
pakikipaghamok na naman nila sa makabagong panahon.

Kung ang Dumagat din lang ang pamimiliin ay hindi nila
nanaisin pumasok sa landfil ngunit mapipilitan ang
ilang katutubo dahilan sa tindi ng kawalan at
kahirapan. Ilan lang ba ang pupwedeng pumasok sa
nasabing trabahong landfill na may kakayanan?

Karanasan ko na sa mga Dumagat na sa simula ay tila
maganda at interesado sila ngunit di magtatagal ay
iiwan nila dahilan sa hindi nila ito kultura at
babalik muli sila sa paglulupa o dati nilang
nakagisnang pamumuhay sapagkat ganito ang mga Dumagat.

Hindi natin masisisi ang mga Dumagat kung bakit madali
silang magbago ng isip kapag mayroong inaalok na
trabaho o pangkabuhayn ang pamahalaan dahilan sa gusto
nilang subukan ang hindi nila alam sapagkat ganito ang
kanilang pamamaraan ng pag-aaral dulot ng karanasan
lakip ang normal na nilang pagtitiwala sa kapwa.

Ngunit ang ikinatatakot ko ay darating din sa nasabing
Tiakad Landfill ang ibang tagalog na magkakakalaykay
na maninirahan din duon bilang landfill manggagawa na
kung saan ay tiyak na magtutulak na naman sa mga
katutubo papalayo sa kanilang lupain papuntang
kabundukan. At sa pagdami ng tao sa nasabing lugar na
pagtatayuan ng landfill ay pagkawasak lalu na ng
kagubatang katabi.

hindi makakatulong sa usaping pangangalaga ng
kagubatan, kadumagatan at kailogan ang paglalagay ng
proyekto sa kabundukan ng pamahalaan na kontra sa
kultura at gamit ng Sierra Madre. Lalong ikasisira ng
ating kabundukan ang paglalagay sa mataas na bahagi ng
Bulakan ang isang landfill kung saan ang mga
taga-kapatagan ang sasalo ng lahat ng baho, dumi at
katas nito na tatagas at tatakas sa nasabing landfill.

Hindi nagkaroon ng malinaw at reyalidad na
konsultasyon at pag-aaral sa bahagi ng mga dumagat at
magsasaka sa nasabing lugar sa Tiakad kung kaya
matindi ang takot ng lahat kung anu na naman ang
kasasapitan nila sa ganitong proyekto na puro pangako.
Sa aking bahagi ay napilitan na akong magsalita
dahilan sa ayaw kong masisi sa bandang huli kapag
umipekto na ang mga masasamang dala ng proyektong
landfill.

Maganda naman ang layuning landfill sa bahagi ng
WCM-SLF at lokal na pamahalaan ng Norzagaray ngunit
hindi sapat itong magandang layunin. dapat iugma ito
sa kanilang grup o kumunidad na tinutulungan kung
makakatulong nga ba. Ang tingin ko ay nagagamit na
naman ang mga Dumagat sa isyu ng landfill na
magkakatrabaho dahilan sa sino ba naman ang ayaw
magkaroon ng trabaho ngunit ito ba talaga ang
makakabuting trabaho sa mga kapatid nating Dumagat?

Ang pananaglaga sa Dumagat ay lakip ang pangangalaga
ng kanilang kultura katutubo na nakasulat sa
konstitusyon na ingatan, pagyamanin at palawakin ang
kulturang katutubo ngunit sa mga proyektong landfill
ay lalong malulusaw ang anu mang natitirang kultura ng
mga kapatid nating Dumagat Remontado na a ngayon ay
karamihan ay nagsasaka o upland farmers.
ikinalulungkot ko na lagi na lamang ganito ang paraan
ng pagtulong sa Dumagat sa mahaba kong panahon ng
pagsama sa katutubo.

Laging iniisip na maganda ang gusto ng Tagalog para sa
Dumagat samantalang simple lang naman ang gusto at
pangarap ng mga tunay at lehitimong Dumagat ang
mamuhay ng payapa kapiling ng kanilang lupaing ninuno
sa pamumuhay sa katutubong kultura. Nakatitiyak ako
sa simula ay mayroong papasok sa landfil na dumagat
para magtrabaho ngunit ang karamihan ay iiwas o
magpapakalayu-layo papuntang liblib na kagubatan
dahilan sa hindi nila ito kultura at ayaw nilang
makakasama ang mga bagong dayuhan Tagalog na
magtatrabaho sa landfill.

Kung kaya ang pangakong trabaho para sa Dumagat ay isa
na namang pangakong huwad at kontra sa kanilang
kultura na mauuwi sa kawalan lalo ng mga Dumagat.
sana'y maunawaan ng lahat lalu na ang pamahalaan na
sana'y huwag ng ituloy ang Tiakad landfill sapagkat sa
bahagi ng kadumagatan at sa aming mga tumutulong sa
kanila ay hindi ito tunay na makakatulong at
magsusulong ng interes ng mga katututbo.

Nawa'y hindi natin pagsisihan aa darating na panahon
ang magiging epektong masama ng landfil. Nagbigay
kami ng opinyon bilang babala huwag sana ninyong
masamain ito. Sa katotohanan ay wala kaming sapat na
kapangyarihang pigilin itong landfill ngunit
naniniwala ang mga katutubo na mayroong Makedepat na
nakakakita ng lahat ng kaganapang ito at sa katapusan
ay magkakamit din nila ang kaganapan.