Alay sa mga Santong Araw
Ni Rudy A. Arizala
Huwebes Santo, 5 Abril 2007
HULING HAPUNAN
Sa Betany na bayan
Doon nga naghapunan
Si Kristo´t kasamahan
Ng alak at tinapay
"Mayroong magtataksil,
Ako´y ipadadakip."
Lahat nagulantang.
"Sino po, Panginoon?"
Hudas dagling lumisan
Di alam punta saan
Ng kanyang kasamahan
Patuloy sa pagkain.
Kristong huling habilin
Tinapay kong katawan
At alak-dugong alay
Tubos sa kasalanan.
Biyernes Santo, 6 Abril 2007
SA PAANAN NG KRUS
Panginoon kong Hesus
Nakabayubay sa krus
Ako´y iyong tinubos
Sa kasalanang lubos
Mundong sangkatauhan
Mula kay Eba´t Adan
Ligtas sa kasalanan
Dahil sa krus na pas-an.
Subali´t nalimutan
Nitong sangkatauhan
Hesukristo ang ngalan
Ang sumagip sa tanan.
Panginoon kong Hesus
Patawarin pong lubos
Dugo mong ibnuhos
Ay nalimutang lubos!
Domingo ng Pagkabuhay
PASKO NG PAGKABUHAY
Matapos mabayubay
Siya sa krus namatay
Kristo muling nabuhay
Kapayapaay taglay
Ngunit ang taong tanan
Mayroong alinlangan
Tulad ng kasamahan
Santo Tomas ang ngalan.
"Habang di ko matingnan
Ang sugat sa katawan
Di paniniwalaan,"
Wika sa kasamahan.
Nang masalat ng kamay
Sugat katawang buhay
Ni Kristo Diyos na tunay
Si Tomas nagkamalay.
Mapalad ang nilalang
Maniwalang lubusan
Kahit hindi namasdan
Ang katawang sugatan
Ang muling pagkabuhay
Kay Kristong alay
Sa lahat ng nilalang
Buhay na walang hanggan!
Wakas